The Official Website of the Province of Pangasinan

Prov’l Gov’t, naghatid ng ayuda sa hog owners ng Alaminos

October 9, 2020

Hatid ng Pamahalaang Panlalawigan ang tulong pinansyal sa 95 hog owners na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa lungsod ng Alaminos ngayong araw, October 8.

Sa ilalim ng “Tulong sa Pagbangon sa ASF,” isa sa mga programa ni Governor Amado I. Espino III, umiikot ang Pamahalang Panlalawigan sa iba’t-ibang bayan at lungsod ng probinsya upang tulungan ang mga Pangasinenseng naapektuhan ng ASF.

“Nandito po ang probinsya ng Pangasinan upang magbigay ng karagdagang tulong sa inyo. Alam po namin na ito ay hindi po sapat kung kukwentahin ang inyong puhunan dito sa inyong mga baboy pero ang nais po namin kasabay po ng pagrecover ng probinsya ng Pangasinan sa COVID at ASF ay kasama po namin kayong lahat,” pahayag ni Board Member Margielou Orange Humilde-Verzosa.

Tumanggap ng P1000 para sa bawat baboy na naapektuhan ng ASF ang 95 recipients mula sa Brgy. Balangobong, San Roque, San Antonio, Landoc, at Inerangan kung saan hanggang 20 hogs lamang kada tao ang mabibigyan ng ayuda.

Sumatotal, 680 na baboy ang sumailalim sa culling operation dahil naapektuhan ng ASF sa lungsod ng Alaminos.

Patuloy ang paalala ng Pamahalaang Panlalawigan na ipagpaliban muna ang pag-aalaga ng baboy.

“Ang ASF ay hindi pa natin na-contain kaya nagiisip kami ng alternatibong pangkabuhayan para tayo ay may pagkukunan ng income kaya sana po ipagpaliban po muna natin ang pag-aalaga ng baboy,” sabi ni Assistant Provincial Veterinarian Jovito Tabarejos.

“Importante na sundin natin ang health protocols. Huwag tayong pasaway, sundin natin ang sinasabi ng pamahalang local, at national,” paalala ni Provincial Government Consultant Ramon Morden upang ma-kontrol ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Kasama rin sa nasabing programa si Alaminos City Mayor Arth Bryan Celeste, at Alaminos City Agriculturist Arceli Talania.

“Hinihiling po ng ating probinsya ang patuloy niyong pakikipagtulungan, paniniwala, at kooperasyon upang lahat tayo ay sabay sabay na bumangon ngayong 2020,” dagdag ni BM Verzosa.

/Diane A. Tinambacan (Photos by Adrain Carlo Dela Cruz)