The Official Website of the Province of Pangasinan

Kalusugan Karaban Bumisita Sa Brgy. Malico, San Nicolas

Ilang kilometro ang layo mula sa bayan ng San Nicolas, matatagpuan ang pinakadulong barangay ng Pangasinan, ang Barangay Malico.

Pero dahil sa ginagawang kalsada, kinailangan pang umikot ng mga sasakyan sa Santa Fe, Nueva Vizcaya para marating ito.

Matarik at paliku-likong daanan ang kailangang tahakin na lalong dagdag hirap pa ang dala ng malakas na ulan at hangin.

Dahil sa hagupit ng hangin, natumba ang ilang itinayong tent na plano sanang gamitin sa Kalusugan Karaban. Nawalan din ng supply ng kuryente.

Pero hindi naging handlang ang layo ng bulubunduking barangay sa pagbisita ng Kalusugan Karaban na pinangunahan ni Gobernador Amado “Pogi” I. Espino III at ang kanyang maybahay, si Madam Karina Espino para sa paghatid ng medical, dental at iba pang social services.

“Kahit gaano po kayo kalayo, pupuntahan namin kayo para maghatid ng serbisyo,” sabi ni Gob. Espino.

Kasama rin ni Gob. Espino si Acting Provincial Police Director Col. Redrico Maranan, ilang mga Department Heads, Chiefs of Hospitals at mga municipal leaders ng San Nicolas.

Namigay si Gob. Espino at ang provincial government ng mga kumot, tsinelas at hygiene packs at mga kagamitang pang kontra sa dengue.

Kasunod naman nito ang pamimigay ng sprayer at grass cutter sa mga residente sa lugar.

Namigay rin ang Pangasinan Environment and Natural Resources Office ng mga seedlings na itinanim sa gilid ng paaralan.

Bilang pagsalubong at pasasalamat, nagbigay ng intermission number ang mga estudyante ng Malico Elementary School.

Bago umuwi ang mga residente inihandog sa kanila ang libreng medical at dental check up.

Sumailalim din ang mga bata sa pagsusuri kung saan tinignan ang kanilang timbang at respiratory system.

Libreng eye check-up at salamin naman ang ibinigay sa mga matatanda na sumailalim din sa mga pagsusuri.

Meron ding libreng hair cut para sa lahat ng nais magkaroon ng malinis na gupit.

Higit tatlong daan ang natulungan ng Kalusugan Karaban. Labis naman ang pasasalamat ng mga residente ng Brgy Malico kay Gob. Espino at sa programa ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan.

 

/Edward Quinto (Photos by Photos by ACDC & TSQ)