The Official Website of the Province of Pangasinan

Gob. Espino dinala ang mga serbisyo ng Abig Pangasinan sa Aguilar

September 12, 2020

 

“Tuloy-tuloy po nating pagandahin ang probinsya ng Pangasinan.”

Ito ang panawagan ni Gobernador Amado I. Espino III sa ginanap na Abig Pangasinan ngayong araw, ika-12 ng Setyembre, sa bayan ng Aguilar.

Saad ni Gobernador Espino, ang Abig Pangasinan ay isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan para matulungan ang mga Pangasinense ngayong may pandemya.

Hinikayat ni Gob. Espino ang bawat Pangasinense na makiisa sa hangarin ng Pamahalaang Panlalawigan na makabangon at makatulong sa pagpapababa ng kaso ng COVID-19 sa probinsya.

Nagbigay-pugay rin si Gob. Espino sa medical frontliner at mga lokal na opisyal na naging katuwang ng pamahalaang panlalawigan sa pag-aaruga sa kalusugan at kapakanan ng bawat Pangasinense.

Dala ng Abig Pangasinan karaban ang pinagsama-samang programa ng pamahalaang panlalawigan, kabilang ang: Kabuhayan Palengke Karaban, Karagdagang Pangkabuhayan (Cash for Work), at Kalinisan Karaban.

Lahat ng benta ng mga small vendors, gaya ng karne, isda, gulay at iba pa ay binili ng pamahalaang panlalawigan na siyang dadalhin sa labing-apat na ospital ng probinsya.

Labinlimang Pangasinense mula sa bayan ng Aguilar ang nabigyan ng pagkakakitaan sa araw na ito at nakatanggap ng P400 bawat isa. Sila ang mag-aayos at magko-consolidate ng mga naipong napamili ng pamahalaang panlalawigan sa Palengke Karaban.

Ang Kalinisan Karaban ay binili lahat ng tuyong plastik na basura ng mga residente sa halagang P20 pero kilo. Ito ay may kapalit na grocery items na naaayon sa naipon nilang plastik na basura.

Dagdag ni Gob. Espino ang programang Kalinisan Karaban ay naglalayong solusyonan ang problema ng bawat barangay sa plastik na basura at hinanahangad na maturuan ang mga batang henerasyon na magpulot ng plastik na basura.

“Wala na kayong problema sa segregation sa barangay… may grocery pa kayong maiuuwi,” giit ni Gob. Espino.

Bukod sa mga ito, may iba pang dalang tulong ang Pamahalaang Panlalawigan.

Dalawangpu’t pitong asosasyon at lahat ng labing-anim na barangay council ng bayan ng Aguilar ang tumanggap ng food production support mula sa pamahalaang panlalawigan.

Umabot sa 2,850 assorted fruit tree seedlings at 36 trays ng vegetable seedlings ang ipinamahagi ng LGU-Pangasinan.

Nagbigay din ang pamahalaang panlalawigan ng 10,000 fingerlings bilang suporta sa tilapia production sa mga communal bodies of water ng probinsya. Ang mga ito ay pakakawalan sa Danao Creek na matatagpuan sa Barangay San Jose at gayundin sa Colos Pegley na bumabagtas sa Barangay Bayaoas at Pogonsili.

Dumalo rin at nakiisa sa pagsasagawa ng Abig Pangasinan sina Vice Mayor Jesus Zamuco at miyembro ng Sangguniang Bayan ng Aguilar na nagpasalamat kay Gob. Espino at sa pamahalaang panlalawigan sa paghahatid ng mga serbisyo sa mga taga-Aguilar.

Naroon din ang ilang department heads ng pamahalaang panlalawigan na nanguna sa kanila-kanilang serbisyo para sa mga Pangasinense.

Tumanggap din ang LGU-Aguilar ng grasscutter na logistical support ng probinsya sa pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang bayan.

/Shiella Mae C. De Guzman (Photos by Jin Perez)