The Official Website of the Province of Pangasinan

Gob. Espino at Abig Pangasinan, nagtungo sa bayan ng Sison

October 30, 2020

Pinangunahan ni Gobernador Amado I. Espino III ang paglulunsad ng Abig Pangasinan na ginanap sa bayan ng Sison, ngayong araw, ika-30 ng Oktubre.

Dala-dala ni Gobernador Espino, kasama sina Board Member Rosary Gracia Perez-Tababa at Board Member Jerome Vic Espino, ang mga programa ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Abig Pangasinan karaban na may adhikain na tulungan at magbigay ng suporta sa mga Pangasinense apektado ng COVID-19.

Ang Abig Pangasinan ay isinusulong ni Gob. Espino bilang umbrella program ng mga serbisyo ng pamahalaang panlalawigan, kabilang na ang: Kabuhayan Palengke Karaban, Karagdagang Pangkabuhayan (Cash for Work), at Kalinisan Karaban.

Kagaya ng mga naunang bayan, binili ng pamahalaang panlalawigan ang iba’t-ibang produkto at paninda ng mga residente ng Sison sa tulong ng Kabuhayan Palengke Karaban.

“Yang mga gulay na ‘yan ay iikot po ‘yan sa buong probinsya at mga ospital natin. ‘Yan po ang ipapakain natin sa ating mga pasyente,” sabi ni Gob. Espino.

Labinlimang miyembro ng iba’t ibang sektor ang nakatanggap ng P400 na parte ng Karagdagang Pangkabuhayan (Cash for Work). Sila ang naatasang mag-consolidate ng kabuuang napamili ng probinsya sa Kabuhayan Palengke Karaban.

Naroon din ang Kalinisan Karaban mobile store upang bilhin ang mga tuyong plastic na basura ng mga residente kapalit ang grocery items at iba-ibang supplies.

“Bibilhin po namin ang mga plastic na basura sa halagang P20 per kilo…” dagdag ni Gob Espino na sinabing ito rin ay may layuning tulungan ang mga barangay sa waste segregation.

Isang karagdagang programa ng Abig Pangasinan ay ang Pamanang Yaman, Produktong Pangasinan na umiikot din sa probinsya upang  bilhin ang mga local products at purong gawang Pangasinense ng mga MSMEs at ibenta sa ibang Pangasinense.

“Gatangen mi lako yo at cost… hindi po kami kumikita diyan. Ang importante lang po ay may kita ang mga small o medium entrepreneurs,” dagdag ni Gob. Espino.

Kasama pa rin sa programang Abig Pangasinan, ilan pang tulong ang ipinamahagi na pamahalaang panlalawigan.

Labing-anim na grupo ang tumanggap ng food production support mula sa LGU-Pangasinan. Anim sa mga ito ang nabigyan ng 1,700 fruit-bearing trees, apat ang tumanggap ng 56 trays ng vegetable seedlings at samantalang limang asosasyon ang tumanggap ng rechargeable knapsack sprayers.

Namahagi rin ang pamahalaang panlalawigan ng umaabot sa 14,000 tilapia fingerlings sa tatlong para sa kanilang karagdagang kita sa kanilang mga fish pond.

Nagbigay din ang probinsya ng grass cutter sa LGU-Sison bilang suporta sa kanilang pagpapanatili ng kalinisan.

Dumagdag din ang ilan pang programa ng pamahalaang panlalawigan gaya ng tulong sa pagsasanay at trabaho sa pangunguna ng Provincial Employment Services Office, livelihood assistance sa pangunguna ng Provincial Population Livelihood Cooperative Office at iba’t ibang serbisyo para sa mga alagang hayop sa pangunguna ng Provincial Veterinary Office.

Taos-pusong nagpasalamat si Sison Mayor Danilo Uy sa tulong at suporta ni Gobernador Espino sa kanilang bayan lalo ngayong may pandemya.

Tiniyak din nina BM Tababa at BM Espino ang tuloy-tuloy na suporta sa kanilang nasasakupan at sa mga programa ng pamahalaang panlalawigan na may iisang layunin na iangat ang bawat Pangasinense.

 

/Shiella Mae C. De Guzman