The Official Website of the Province of Pangasinan

Abig Laman ed Barangay nagtungo sa bayan ng Bugallon

September 12, 2020

Nagtungo ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Governor Amado I. Espino III upang ihatid ang Abig Laman ed Barangay — Mini Kalusugan Karaban sa Brgy. Salomague Norte, Bugallon ngayong araw, September 12.

Naunang binisita ni Gov. Espino sa parehong araw ang bayan ng Aguilar para sa Abig Pangasinan Karaban at agad niyang pinuntahan ang Abig Laman ed Barangay sa Bugallon para tignan ang kahandaan ng Mini Karaban Kalusugan bago ito magsimula.

“Hindi niyo na kailangan pang lumayo ng lugar niyo para magpatingin dahil ang Provincial Government na mismo ang lalapit sa inyo kaya pasalamatan natin sila at si Governor Espino,” sabi ni Bugallon Mayor Priscilla I. Espino.

Dala ng Mini-Kalusugan Karaban ang libreng konsultasyon, pagbibigay ng mga gamot, medical at pedia services, kasama na rin ang pagsasagawa ng libreng laboratory test at x-ray services.

Alinsunod ang nasabing programa sa new normal na layong makapagbigay ng libreng healthcare services sa mga Pangasinense sa mga malalayong barangay ng iba’t ibang bayan lalo na sa panahon ng pandemya.

“Sundin natin ang protocol para sa kalusugan natin. Hindi lamang ito para sa mga opisyal kundi para rin sa lahat. Turuan niyo ang mga anak niyo ng tama para hindi lamang sarili nila ang maprotektahan kundi pati ang pamilya at barangay. Ingat po tayong lahat dahil hindi natin nakikita ang kalaban,” dagdag ni Mayor Espino.

Nauna ng nagtungo ang programa sa bayan ng Sison (August 29) at Bautista (September 9) at patuloy na iikot sa ibang bayan at barangay.

Nagpamahagi rin ang Pamahalaang Panlalawigan ng limang gerry cans at insecticide kontra dengue sa barangay officials ng Bugallon. /Diane A. Tinambacan (Photos by NIF and MVS)