The Official Website of the Province of Pangasinan

Abig Laman ed Barangay dinala sa bayan ng Bautista

September 9, 2020

Dinala ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Governor Amado I. Espino III ang Abig Laman ed Barangay — Mini Kalusugan Karaban sa Brgy. Cabuaan, Bautista ngayong araw, September 9.

Naunang pinuntahan ni Gov. Espino sa parehong araw ang bayan ng Asingan para sa Abig Pangasinan Karaban at agad niyang dinaanan ang Abig Laman ed Barangay sa Bautista para tignan ang kahandaan ng Mini Karaban Kalusugan bago ito magsimula.

Hatid ng Mini-Kalusugan Karaban ang libreng konsultasyon, pagbibigay ng mga gamot medical at pedia services, kasama na rin ang pagsasagawa ng libreng laboratory test at x-ray services.

Matapos mahinto ang I Love Pangasinan-Kalusugan Karaban, na nagsimula noong 2016, dahil sa enchanced community quarantine dulot ng COVID-19, inilunsad muli ang mobile health services bilang Abig Laman ed Barangay sa ilalim ng Abig Pangasinan Program, ang flagship program ni Governor Espino para makaahon ang mga Pangasinense sa epekto ng pandemya.

“Ito pong Abig Laman ay pinasimpleng Kalusugan Karaban dahil tayo ay nasa ilalim pa rin ng quarantine. Malalayong bayan po ang ating target na hirap sa pagpunta sa health center kahit may dinadamdam kaya po inilunsad ito,” sabi ni Provincial Health Officer Anna De Guzman.

Alinsunod ang nasabing programa sa new normal na layong makapagbigay ng libreng healthcare services sa mga Pangasinense sa mga malalayong barangay ng iba’t ibang bayan lalo na sa panahon ng pandemya.

Nagbigay payo naman si Dra. De Guzman upang maiwasan ang COVID-19: “Hindi pa po tapos ang laban sa COVID crisis. Marami pa po tayong kababayan na dumadating mula sa high risk area tulad ng NCR na pag nasusuri po natin ay lumalabas na infected kung kaya hindi lang po muna sana sa paglabas kundi pati sa loob ng tahanan ay i-observe po natin ang paggamit ng mask, face shield, at social distancing, pati na rin po ang ating personal hygiene tulad ng paghuhugas ng kamay.”

Nauna ng nagtungo ang programa sa bayan ng Sison noong August 29 at patuloy na iikot sa ibang bayan at barangay.

“Sa panahon po ng tag-ulan kami rin po ay nananawagan na maglinis ng kapaligiran para maiwasan natin ang mga sakit tulad ng dengue,” dagdag ni Dra. De Guzman.

Bukod sa libreng gamot, nagpamahagi rin ang Pamahalaang Panlalawigan ng limang gerry cans at insecticide kontra dengue sa barangay officials ng Bautista.

“Samahan natin ang ating butihing Gobernador sa pagsulong upang patuloy na maging tahanan ang ating probinsya ng ligtas at malulusog na Pangasinense,” ani Dra. De Guzman. /Diane A. Tinambacan (Photos by NIF and MVS)