The Official Website of the Province of Pangasinan

9 na LSIs sa Rosales-Tarlac border sumailalim sa RT-PCR swab test

July 23, 2020

 

Siyam na locally stranded individuals (LSIs) sa Rosales-Tarlac border ngayong araw (July 23) ang sumailalim sa PCR-RT swab test na isinagawa ng Provincial Health Office (PHO) bago tuluyang makapasok sa lalawigan.

Ang mga ito ay mula sa mga sumusunod na bayan: Balungao (4), San Fabian (2), Manaoag (1), Asingan (1), Sta. Barbara (1).
Paalala ng Pamahalaang Panlalawigan na siguraduhing kompleto ang mga kaukulang dokumento tulad ng medical certificate at travel authority upang hindi maantala ang pagpasok sa lalawigan.

Nagpasalamat naman ang isa sa mga locally stranded individuals sa Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Governor Amado I. Espino III sa walang tigil na pagtulong sa mga na-stranded na individuals sa iba’-t-ibang lugar sa kabila ng banta ng COVID-19.

“Malaking tulong naman po siya. Kami pong galing Maynila kailangan po nilang i-stranded dito for safety po kasi po tumataas na po ang cases so kailangan po nilang maging strikto. Naiintindihan naman po naming yong ganong patakaran nila.” sabi ni Mary Tamo.

Sa kasalukuyan, umabot sa 168 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan kung saan 106 ang naka-recover, 52 ang kasalukuyang naka-confined at 10 naman ang namatay.

Ayon sa COVID-19 tracker ng Department of Health noong July 19, pang-huli ang lalawigan ng Pangasinan sa bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 kumpara sa mga pinakamalaking populasyon na probinsya sa Pilipinas.

Sa talaan, 2,956,726 ang kabuuang populasyon ng Pangasinan at 145 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Nangunguna ang lungsod ng Cebu sa may pinakamalaking populasyon (4,632,329) at bilang ng may positibong kaso na may kabuuang 10,972.

Kabilang sa sampung malalaking lalawigan ang mga sumusunod: Laguna (1,615 cases), Rizal (1,367 cases), Cavite (1,225 cases), Bulacan (856 cases), Batangas (543 cases), Iloilo (365 cases), Negros Occidental (359 cases), at Pampanga (237 cases). (Diane A. Tinambacan)

/Photos by Jinver Z. Perez