The Official Website of the Province of Pangasinan

37 hog owners na apektado ng ASF sa San Fabian, nakatanggap ng tulong pinansyal

October 6, 2020

Nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa Pamahalaang Panlalawigan ang 37 hog owners na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa bayan ng San Fabian ngayong araw, October 6.

Ito ay bahagi ng programa ni Governor Amado I. Espino III na nagnanais tulungang makabangon ang mga Pangasinenseng naapektuhan ng ASF.

“Kahit hindi kayo laging nagpupunta sa amin, kami sa probinsya ng Pangasinan lalo na si Governor Espino ay nagiisip kung paano makatutulong sa bayan kaya nandito po kami para magbigay ng tulong sa inyo. Asahan niyo po na kami ay palaging tutulong sa buong probinsya ng Pangasinan,” sabi ni Board Member Liberato Z. Villegas.

Ang 37 recipients mula sa Brgy. Longos Proper, Amangonan, Parac-Parac, at Central ay nakatanggap ng P1000 para sa bawat baboy na naapektuhan ng ASF kung saan hanggang 20 hogs lamang kada tao ang mabibigyan ng ayuda. Sa kabuaan, 230 na baboy ang sumailalim sa culling operation dahil naapektuhan ng ASF sa bayan ng San Fabian.

“Ipagpaliban muna natin ang pag-aalaga ng baboy. Huwag tayo ma-enganyo sa mataas na presyo ng baboy dahil ang ASF ay nandyan pa rin. Marami pang ibang hayop na pwedeng pagkakitaan,” paalala naman ni Assistant Provincial Veterinarian Jovito Tabarejos sa mga nais mag-alaga ng baboy.

Patuloy din ang paalala ng Pamahalaang Panlalawigan na sumunod sa mga protocols upang mapigilan ang pagtaas ng COVID-19 sa lalawigan.

“Hiling po namin sa inyo na sana mag-ingat tayo. Sundin ang protocols, ang pagsuot ng face mask, face shield, distancing, hygienes ay mahalaga po yan. Hindi po tayo agad mahahawaan kung sinusunod natin ang mga dapat gawin,” sabi ni Provincial Government Consultant Ramon Morden.

“Gaya ng laging sinasabi ni Governor, iyong sarili natin ang unahin natin, alagaan natin ang sarili natin lalo na ang pamilya. Hindi lang iisa, ito ay unity, kung kayo ay nahawaaan, mahahawaan nyo ang buong pamilya. Siguraduhin natin na nakasuot ng face mask o faceshield. Kung di kailangang lumabas ay dyan na lang sa bahay,” dagdag ni Board Member Villegas.

Nirepresenta ni Tony Supremedo si San Fabian Mayor Constante Agbayani, habang nirepresenta naman ni Eva Liwanag si Congressman Christopher De Venecia sa nasabing programa kung saan nagpasalamat sila kay Governor Espino sa paghahatid ng tulong pinansyal sa kanilang bayan.

Ang Pamahalaang Panlalawigan ay maghahatid din ng tulong pinansyal sa mga apektado ng ASF sa mga sumusunod: Alaminos City (October 8), Anda (October 13), Mangaldan (October 15), Bolinao (October 20), at Laoac (October 22).

/Diane A. Tinambacan (Photos by Meinard Sadim)